top of page

P'wede Bang 'wag Nang Magising?


written and edited by Alliah Miranda

Sa pagitan ng apat na sulok, hindi malaman kung saan magsisimula, sa dami nang gustong sabihin, sa dami nang gustong gawin. Ngunit, heto ngayon, nakatulala, humihikbi na, pinagiisipan kung itutuloy pa ba ‘to. May saysay nga ba ‘to? Pasensya na kung napadpad ka pa rito. Wala atang kwenta ‘to. Pero salamat, kung mananatili ka hanggang dulo.

Tawagin mo nga pala akong Maya. Si Maya na hapung-hapo at tila ba tuliro sa ‘di maipaliwanag na dahilan. Ako si Maya na mayaman sa kapootan at kapighatian ng mundo.

Tulong, parang kailangan ko ng tulong…

Minsan, ako’y napapaisip kung bakit ang hirap magpatuloy. Parang ang bigat-bigat na ng mga iringan sa aking mga balikat. Ang sakit, pagod, at kalungkutan ay patuloy na bumabaon na tila wala nang katapusan. Baka wala na kasi talagang patutunguhan? Pwede bang ‘wag nang magising? Siguro mas pipiliin ko ‘to.

Napagdesisyunan kong mag-isip ng isang paraan upang tuluyang makapagpahinga nang walang katapusan. Naisipan kong tumakas at maghanap ng puwang sa ibang mundo, subalit napunta ako sa kawalan at tila ba wala nang katapusan. Hindi alam kung saan na ‘to patungo. Hindi alam kung paano makakabalik, hindi na siguro.

Nakakatakot, nakakakilabot, sa mahabang paglalakbay napadpad ako sa isang takip-silim. Ni hindi alam kung may mga pader at elementong magpapaalala sa'yo ng mga hindi magandang naganap sa kahapon. Ako ba’y papayag na patuloy na matakpan ng takip-silim na ‘to, o haharapin ang posibleng liwanag na puno ng pagsisikap at pag-asam na mahanap ang tunay na saysay ng mundo?

Sasamahan mo pa ba ako? O napagod ka na rin? Wala pa tayo sa dulo, samahan mo muna ako…

Subalit sa gitna ng aking takot at ng kawalan, may isang boses ang sumisigaw, tila ba paulit-ulit na sinasambit ang apat na letrang pangalan ko.

“Maya, Maya, Maya! Gumising ka na! (isang boses na hindi malaman kung saan nagmula).

Doon, aking napagtanto na hindi ko maaaring lisanin at baguhin ang mundo, subalit kaya kong baguhin ang aking sarili. At ako’y nagpasiyang maghanap ng mga paraan upang muling mabigyan ng saysay ang hiram na buhay.

Sa sandaling ako'y nagkamalay, ako'y lubos na nagpasalamat sa karanasang iyon. Dahil sa boses ako’y nabahala at nagkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng pagharap sa bawat hamon nang may tapang at positibong pag-iisip.

Sa unang pagkakataon matapos ang pangyayaring iyon, nadama ko ang kaligayahan sa aking dibdib, tila ba may nagbibigay liwanag sa gitna ng madilim na mundo. Ang bigat sa’king balikat ay halos hindi na maramdaman, marahil napalitan ito ng pag-asa’t pagmamahal.

Hindi man nagbago ang mundo sa aking pagmulat, ako naman ay nagbago. Nagbago ako sa pamamagitan ng malayang pagpili ng sarili. Nadama ko na meron pa rin pala ‘kong maibabahagi sa mundong ‘to.

Kaya ngayon, maaari ko ng sabihin na handa na akong gumising at harapin ang bawat kinabukasan. Hindi pa rin madali, sapagkat alam ko, mahaba pa ang daan na tatahakin. Meron pa ring mga pader at takipsilim na tutuklas sa akin, ngunit ngayon, handa na akong tanggapin ang bawat hamon na ipagkakaloob ng mundo.

Kaya, ang tanong, p’wede bang 'wag nang magising? Hindi, hindi maaari.

P’wede bang 'wag nang magising? Hindi na. Sapagkat pinili kong mabuhay. Sapagkat may laya akong kumapit sa bawat saliw ng kaligayahan. Sapagkat kahit na hindi ko maaring baguhin ang mundo, may puwang pa rin dito para sa pagbabago at pag-asa. Sapagkat ako rin mismo ay posibleng magbago at magbigay inspirasyon sa iba. Sapagkat sa huli, hindi lang ako isang babaeng hapo sa mundo, ako si Maya, isang babae na handang maging liwanag sa mundo.

Kaya salamat, salamat sa pagsama sa aking paglalakbay. Hanggang sa muli. Bangon na, tahan na!

Comments


bottom of page