top of page

ABaKa, Ito Na Ang Katapusan


written and edited by Alliah Miranda
Kumusta?
Kinakaya mo pa ba?
Mga tanong sa isipan na tila hindi maiwasan
Marahil sa pabago-bago ng sistema ng panahon
Na tila ba tayo'y unti-unting nilalalamon

Naaalala ko pa no'n ang simpleng pamumuhay
Ikaw, ako, tayo, masaya lang na naglalaro
Tagu-taguan, langit-lupa, piko, patintero
Panahon, kung saan hindi pa moderno
Buo ang atensyon at interaksyon sa mundo
Gusto pa bang balikan? Ngunit papaano?

Ngayon tayo ay tila nakulong
Sa apat na sulok na may bubong
Tuwang-tuwang sa pagyakap ng modernisasyon
Nagawa mo na ba ang iyong obligasyon?
/A/ Ano nga ba ang dulot?
/Ba/ bakit nga ba tinatangkilik?
/Ka/ kahit ako, ay napapaisip
/Da/ Dahil ba sa kaginhawaan? Maituturing nga bang magandang
/E/ Ehemplo sa bagong henerasyon
/Ga/ Gaano ba talaga kahalaga, ang modernong teknolohiya
/Ha/ Hatid ba nito'y karunungan, kaginhawaan o katamaran?
/I/ Ito'y naging kabiyak na nang ating buhay
/La/ laman ng isip at usap-usapan
/Ma/ Mababago pa ba? O
/Na/ nakabiyak na hanggang sa pagtanda, at mga paparating na henerasyon
/Nga/ Ngayon ako'y napaisip
/O/ oras ay napakabilis
/Pa/ Paano maisasalba ang sanlibutan? Maisasalba pa nga ba?
/Ra/ Ragasa ng gawain ay napapadali ngunit
/Sa/ sarili ay nabubulag, nabubulag sa modernong panahon
/Ta/ Tama pa nga ba ito?
/U/ Ugat nito'y maaaring pagdurusa
/Wa/ Walang nakakaalam kung anong hangganan
/Ya/ Yayakapin na lamang ba ang nakasanayan?

Sa pagkupas ng panahon
Takdang oras ay papaahon
Ano na ang magiging wakas
Sa mundong binalot ng malagim na bakas
Ngunit teknolohiya'y hindi maaaring masisi
Dahil tao ang saksi
Na tayo ang totoong pinagmulan ng pagdurusa ng ating sanlibutan
Bagama't hindi pa rin namulat sa katotohanan

Kaya ikaw, patuloy ka bang magiging bulag?
Marami na ang naapektuhan
Susunod ka ba sa kanila?
O isa ka sa kanila?
Halina't wakasan, ang maling sistema kung hindi
ABaKa, ito na ang katapusan.







Kommentarer


bottom of page